Wednesday, April 22, 2015

Palimos ng Pag-ibig



Palimos ng Pag-ibig

By: Shinayawaara


Sa aking isipan ay may mga katanungan
Bakit ang tulad ko ay lagi na lamang naiiwan?
Bakit ang puso ko ay laging nasasaktan?
Pagmamahal lang naman ang aking kailangan.


Bakit nga ba tila ang mundo ay kay lupit?
Sa isang tulad ko, kasiyahan ay tila ipinagkakait
Bakit ang natatanggap ng puso ay puro sakit?
Sa mga palad ko ba ito ay nakaukit?


Hindi ko hinihiling ang anumang yaman sa mundo
Mga material na bagay o kahit anong luho
Kasikatan o kagandahan ay hindi ko gusto
Pagmamahal lamang ang tanging hanap ko.


Ang nais ko lamang ay maging masaya
Katulad ng iba na pagmamahal ay nakukuha
Isang araw akala ko ay nakamit ko na
Subalit bakit nga ba ang hilig makialam ni Tadhana?


Ang lahat ng pangarap ay bumagsak
Sa mga mata luha ay pumatak
Tila patalim ang sa akin ay itinarak
Nang iwanan ang puso kong wasak na wasak


Ngayon ikaw ay nasa piling na ng iba
Ako nga ba ngayon ay hindi na naaalala?
Mga pangako mo sa akin ay naglaho na nga ba?
Hanggang kamatayan ang sumpaan natin noon di ba?


Sa harap ng altar tayo ay nagsumpaan
Saksi ang Maykapal pagmamahalang walang hanggan
Subalit isang araw ano nga ba ang dahilan?
Pamilyang ating sinimulan bakit mo tinalikuran?


Sa responsibilidad nga ba ikaw ay takot?
Gulo ng isipan ang sayo ba ay bumalot?
Pakikipaghiwalay ang para sayo ay sagot
Iniwang sugatang puso ko ano nga ba ang gamot?


2 comments:

  1. Awesome work.Just wanted to drop a comment and say I am new to your blog and really like what I am reading.Thanks for the share

    ReplyDelete